Loading...
Jumbled WordsPhotolab

Litrato

Adik ka sa litrato – yan ang sabi nila tungkol sa’yo. “Camwhore” ika nga ng iba, at yan ang nagustuhan ko sa personalidad mo.

Nakilala kita dahil sa mga kaibigan ko. Naglalakad kasi ako sa may Carabao Park nang makita ko sila, nakaupo sa isa sa ‘tree box’ dun. Nakiupo ako sa tabi nila upang magpalipas ng oras. Bigla kang nagsalita. Saka ko lang napansin na kasama ka nilang nakaupo dun. Binusog ko ang aking mata ng maamo mong mukha, malambing mong tinig at matangos mong ilong. Napansin kaya ng mga kasama mo na iba ang tingin ko sa’yo? Sana hindi. *evil laugh*

Para akong nanalo sa lotto nang malaman kong kaklase pala kita sa isang subject. Ibig sabihin nun ay isang buong semestre tayong magkasama – limang beses kada isang linggo kitang makikita, isang oras kada araw kitang makakatabi.

Ang hilig mo pala talaga sa litrato. Naalala ko nung unang beses ko itong nalaman. Nakaupo ako sa humsteps no0n, nagpapalipas oras. Kinukuhanan ng litrato ang mga eksenang nakikita ko sa paligid ng istrukturang saksi sa iba’t-ibang kaganapan sa lo0b ng Unibersidad.

“Papicture naman!”

Sambit mo habang papalapit ka sa akin. Umupo ka sa tabi ko at biglang kinuha ang hawak kong camera phone. Nangiti ako dahil nakita ko ang saya sa mga mata mo habang pinipikturan ang sarili. Hinila mo ako para pikturan kasama ka. Naramdaman ko ang malalambot mong mga kamay. Naamoy ko ang gamit mong pabango. Ipinakita mo sa akin ang litrato nating dalawa. Natuwa ako nang makita ko ang aking sariling nakangiti hindi dahil may camera sa harap ko, kundi dahil sa saya na naramdaman ko nang mga oras na iyon.

Ang bilis talaga ng panahon. Natapos na ang isang masayang semester na kasama kita. Magkaiba tayo ng kinukuhang kurso. Ibig sabihin maliit ang pagkakataong magkita ulit tayo. Isang beses nagkita tayo sa isang printahan. Nagpasama kang magpaprint ng mga litrato galing sa phone mo. Nagbibiruan tayo nang masambit mo ang mga katagang hanggang ngayon ay hindi ko malilimutan,

“Mahalaga ka sa akin.”

Natuwa ako dahil sa mga salitang iyon. Ngunit iyon na ang huling beses na nagkita tayo. Hinanap kita sa bawat printahan na makita ko, hinanap kita sa dati nating klasrum, pati sa Carabao Park kung saan una kitang nakilala. Nabigo ako.

Kaya ngayon, uupo muli ako sa Humsteps, pagmamasdan ang ngawit nang braso ni Oble, ang sunog nyang puwet, maging ang mga taong panhik-panaog sa Humanities Bldg. Doon, itatapat ko sa aking mukha ang lumang camera phone na hinablot mo sa akin dati, umaasang isang araw ay tatabi kang muli sa akin at pupunan ang puwang sa litrato, ang puwang sa aking puso, na matagal nang nangungulila sa’yo.

 

© photo taken by the Author

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

%d bloggers like this: